Kagabi habang nanonood ang nanay at tatay ko ng balita sa tv at ako naman ay abala sa pagnguya ng Oishi na maanghang, napatangin ako sa binabalita: Mga estudyante, pinagmumulta ng piso kapag nahuling nagsasalita ng wikang Filipino. Hahaha natawa naman ako dun! Pero bigla kong naalala nung estudyante pa lang ako (elementary o high school) dumaan din pala ako sa ganyang “class policy”. Gusto kasi ng mga teachers namin nuon matuto kami magsalita ng Ingles kaya para hindi kami matempt magFilipino, may multang piso sa bawat Filipino na salitang mabibigkas namin. Ayun, effective naman. Effective hindi dahil gumaling kami sa pagsasalita ng Ingles kundi dahil tumahimik ang klase. Menos sa pagsasaway si Maam. Siguro natawa ako nung mapanuod ko yun kasi hindi ko akalain na hanggang ngayon e ginagawa pa din sa paaralan ang kahibangang yan. Ayokong magsingle out pero kung sino man ang nagimbento ng ganyang patakaran, guro ka man, estudyante o barbaric, sana kilala mo pa ang sarili mo.
Hindi ko lubos maisip kung paano naging kasalanan ang paggamit ng sarili nating wika. Ang pagbigkas ba ng wikang Filipino ay isang kababuyan tulad ng pagtatapon ng basura sa kung saan- saan o sa pagihi sa pader? Kung sa ibang bansa siguro may ganyan ding patakaran, magaral lang ako dun siguradong yayaman nako. Alam kong malaki ang impluwensya ng Ingles sa atin lalo na sa panahon ngayon. Kapag mahusay ka nga naman magIngles at with matching slang slang and twang twang, mas madali kang matatanggap sa trabaho at mas malaki ang sweldo mo. Ewan ko ba bakit ang mga Pinoy manghang mangha kapag nakakakita sila ng kapwa pinoy na magaling magIngles tapos pagtatawanan nila yung iba na baluktot magIngles o kaya’y ni hindi makapagsalita ng Ingles. Kung tutuusin mas nakakaintimidate pa nga makipag-usap ng Ingles sa kapwa pinoy kaysa sa mga native English speakers. Kasi karamihan sa mga pinoy “fault finder”. Aminado akong hindi ako mahusay magIngles. Pero mas nahihiya akong aminin na hindi din ako mahusay magsalita sa wikang Filipino. Kapag nagbabasa ko ng mga librong may malalalim na salitang Filipino na hindi ko alam ang kahulugan, nahihiya ako sa sarili ko kasi bakit hindi ko alam yun? Naisip ko, kung naituro lang sana sa akin yun ng aking mga guro sana mas confident akong magbasa ng mga libro sa Filipino.
Sa tingin ko, ang pagtuklas sa kahulugan at pinagmulan ng bawat salita sa ating sariling wika ay pagtuklas din sa kahulugan at pinagmulan ng ating pagkatao. Marami ng pagaaral na nagpapatunay na higit na natututo ang isang bata kung ang medium ng pagtuturo ay nagsisimula sa kanyang sariling wika o mother tongue at higit na umuunlad ang isang bansang may tuwirang suporta at pagmamahal sa kanilang wika. Pero hindi na para maglecture pa ko at magkumpara pa dito. Ang sa akin lang, bilang isang guro, mag-aaral at mamamayang Filipino, naniniwala ako na ang paggamit ng sariling wika ay hindi nakakapagpababa ng ating pagkatao at ang pagtanggap ng dayuhang wika ay hindi nangangahulugang pagtalikod sa ating pagkaPilipino. Magturo man ako gamit ang dayuhang wika, hindi ko pinipigilan ang mga estudyante ko na magsalita sa wikang alam nila na kung saan kumportable silang maipahayag ang gusto nilang sabihin. Hindi sa wika o salitang ginamit hinuhusgahan ang karunungan ng isang tao kundi sa pagunawa nito sa mga bagay bagay at sa kung paano niya ito magagamit sa ikauunlad ng kanyang buhay at ng mundong kanyang ginagalawan. Ngunit isipin din natin na ang pagpapahalaga sa ating sariling wika ay pagrespeto sa ating sarili at sa lahi na ating pinagmulan.